Nagpahayag ng pagtutol ang ilan pang senador sa isinusulong ng Senado na Senate Bill No. 1979 o ang Prevention of Adolescent Pregnancy Bill.
Haharangin daw ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr na maipasa ang naturang panukala batas na itinutulak ni Senadora Risa Hontiveros.
Bilang magulang na may mga anak at apo na, sinabi ng senador na gagawin niya ang lahat ng paraan upang protektahan ang mga kabataan laban sa mga kahalayan.
Punto pa nito, kailangang tugunan ang lumalalang problema ng mga batang nangre-rape ng kapwa bata, ang mga batang nagiging magulang sa murang edad, at ang nagiging kapabayaan sa mga anak ng mga batang ina.
Bukod dito, malayo rin daw ang SB 1979 na isinusulong ni Hontiveros sa Senate Bill 1209 na kanyang inihain na layong protektahan ang mga kabataan laban sa mga gawaing nagiging bunga ay maagang pagbubuntis at pagbibigay suporta ng pamahalaan sa mga adolescent parents.
Tutol din sa ngayon si Senate Committee on Basic Education Chairman Senador Sherwin Gatchalian sa ilang nilalaman sa panukala ni Hontiveros.
Dahil mayroon ng ipinatutupad sa kasalukuyan na comprehensive sexuality education sa ilalim ng DepEd Order 31 na may inconsistencies, sisilipin daw ito ni Gatchalian sa susunod na linggo.
Bagamat nagpahayag ng pagtutol si Gatchalian sa bill, naniniwala ito na pagdating ng amendments o debate sa plenaryo ng Senado ay mababago pa ang anyo nito.