CAGAYAN DE ORO CITY – Nakahanda na ang Police Regional Office (PRO-10) na ipadala ang walong dating convicted criminals na nakabenepisyo sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) na ibalik ang mga ito sa kani-kanilang kulungan partikular sa Davao Penal Colony (Dapecol) sa Davao region.
Ito ay kung may go signal na ipapadala ang napalaya na convicted criminals alinsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim sa pagrebyu ang kanilang pagkaka-release mula sa kulungan.
Sinabi ni PRO-10 spokesperson Lt. Col. Mardi Hortillosa na lahat ng convicted criminals na nagmula sa tatlong probinsya ay naghayag nang kahandaan na babalik habang inaayos ang implementasyon ng GCTA law.
Inihayag ni Hortillosa na kasalukuyang naka-kustodiya ang walong convicted criminals sa magkaiba na tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Lanao del Norte, Camiguin, Bukidnon at Iligan City.
Dagdag pa ng opisyal, ilan pa nga sa mga convicted criminal na sumuko ay nasiyahan na sila ay makabalik sa kulungan dahil sa sapat na suplay ng pagkain.
Magugunitang kinumpirma rin ng PNP na ilan sa mga bilanggo na sumuko sa kanilang mga tanggapan sa mga probinsya ay hirap makarating dahil sa kakulangan ng pera na kanilang pamasahe.