CAGAYAN DE ORO CITY – Pursigido ang tatlo sa maraming estudyanteng mga babae na kasuhan ang ilang guro at opisyal na umano’y nasangkot sa “sex for grade” controversy sa Tagoloan Community College (TCC) sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Ito’y matapos pormal nang dumulog sa tanggapan ng pulisya ang umano’y mga mag-aaral upang ilahad ang kanilang reklamo laban sa dalawang opisyal ng paaralan na nagsisilbi ring mga guro.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Police Corporal Jacky Malagamba, head ng Women and Children Protection Desk ng Tagoloan Police Station, na nakunan nito ng affidavit ang isa sa mga mag-aaral kung saan naisalaysay ang kanyang karanasan.
Inihayag ni Malagamba na talagang naghayag ng kanilang interes ang mga biktima na magdemanda laban sa kanilang school officials.
Una nang nalagay sa kontrobersya sina TCC Dean of Student Affairs Dr. Roger Anthony Gamale dahil kabilang sa iniugnay ng ilang mga mag-aaral sa umano’y pakikipagtalik kapalit ng grades.
Inalmahan din ng ilang mga mag-aaral ang kawalan ng aksyon ni Vice President for Academic Affairs Dr. Frederick Gomez sa kabila ng kanilang reklamo laban kay Gamale.
Pinuntahan naman ng Bombo Radyo ang paaralan kung saan inihayag ni Gomez na hindi sila ang nararapat na magbigay kasagutan sa isyu dahil mayroon pang mas mataas sa kanila.
Hinamon pa nito ang mga mag-aaral na sana ay hindi na idinaan sa Bombo Radyo, bagkus ay agad nang naghain ng kaso sa piskalya.