Humarap sa isinagawang pagdinig ng mataas na kapulungan ng Kongreso ang ilang mga kapamilya at kaanak ng mga napaslang at pinaslang sa war on drugs ng nakalipas na administrasyong Duterte.
Ibinahagi ng mga ito ang ilan sa mga mahahalagang karanasan ng panahon ng madugong drug war.
Unang sumalang para magsalita si Randy delos Santos na tiyuhin ng pinaslang na teenager na si Kian Delos Santos.
Si Kian ay 17 anyos at napatay noong kasagsagan ng war on drugs taong 2017 matapos umanong manlaban sa pulisya.
Takot aniya ang kanilang pamilya noon dahil sa mga naging pahayag ng PNP laban sa kanila.
Pinalalabas umano ng PNP na noon ay pinamumunuan ni Senador Ronald Bato Dela Rosa na ang kanilang pamilya ay kilalang siga sa kanilang lugar at kilalang nagbebenta ng droga.
Giit ni Delos Santos , walang katutuhan ang mga paratang na ito ng pulisya laban sa kanila.
Markado aniya sila sa media , balita at Social media dahil sa naturang akusasyon.
Nahirapan din aniya ang kanilang pamilya mabuhay matapos siyang mawalan ng trabaho dahil sa mga paratang sa kanilang pamilya.
Korte na rin aniya ang nagsasabi na nagsisnungaling ang mga pulis na pumatay sa kanyang pamangkin dahilan para hatulan ng kasong murder ang nakabatay kay Kian.
Ayon naman kay Senador Ronald Bato Dela Rosa na maging siya ay nagalit rin sa sinapit ni Kian.
Pero matapos aniya na matanggap niya ang impormasyon, lumalabas na ginagamit ang tindahan nila Kian sa pagbebenta ng ilegal na droga.
Paliwanag pa ng Senador, batay sa kanyang pagkakaalala, tanging ang tatay lamang ni Kian ang sangkot sa ilegal na droga at hindi ang kanyang tiyuhin.
Samantala, bukod ka Delos Santos , humarap din sa pagdinig ang biyuda ni Joselito Gonzales na napatay rin noong July 2016 sa isang operasyon.