CENTRAL MINDANAO – Ilan sa mga malalapit na kaibigan ni Libungan, Cotabato Mayor Christopher “Amping” Cuan ang inalala siya kung anong klaseng lider, ama at kaibigan ang napatay na alkalde.
Para kay Senior Board Member Shirlyn Macasarte-Villanueva, itinuring na hindi lamang bilang haligi ng tahanan si Mayor Amping ng kaniyang pamilya kundi pati na rin ng mga taga-Libungan.
Dagdag pa ni Macasarte, nakita umano nito kung anong klaseng ama si Mayor Cuan sa kaniyang pamilya – isang mapag-alaga at mapag-aruga.
Sa pahayag naman ni dating Board Member Rolly “Ur da Man” Sacdalan, taong 2000 pa ng naging kaibigan na umano nito si Mayor Cuan at mula nang nagkakilala sila ay pursigido na ito sa paglilingkod sa bayan ng Libungan.
Ang ambisyon nitong makilala ang Libungan sa iba’t ibang mga lugar ang nag-udyok kay Mayor Amping upang bigyang sigla at saya ang nasabing bayan, dagdag pa ni Sacdalan.
Inalala naman ni Board Member Rosalie Cabaya si Mayor Cuan kung gaano ito kagaling bilang isang negosyante.
Maliban kasi sa pagiging public servant, isa ring negosyante si Mayor Amping na kung minsan umano ay ang mga kinikita nito sa kaniyang negosyo ang ginagamit pandagdag pondo sa ilang mga proyekto sa kaniyang bayan.
Iisa naman ang panawagan ng mga malalapit na kaibigan ni Mayor Amping, ‘yan ay ang hustisya sa kaniyang pagkamatay at ang agarang pagkadakip sa mga nasa likod ng karumaldumal na krimen.
Kung maaalala, pinagbabaril-patay si Mayor Amping kasama ang driver nitong si Edwin Ihao ng nasa apat na armadong kalalakihan sa ipinapatayong sabungan sa Sitio Abacanhan, Brgy. Cabaruyan, Libungan, Cotabato.