LAOAG CITY – Walang katunggali ang mga ilang mga Marcoses dito sa lalawigan ng Ilocos Norte sa 2025 Midterm Elections.
Ito ay matapos na walang sumunod na naghain ng Certificate of Candidacy sa pagka-diputado sa una at ikalawang distrito ng lalawigan maliban kina Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos at 2nd District Rep. Angelo Marcos Barba.
Maliban dito, wala ring kalaban si Gov. Matthew Marcos Manotoc sa pagka-Bise Gobernador.
Una rito, binawi ni incumbent Ilocos Norte Governor Manotoc at Vice Governor Cecilia Araneta-Marcos ang kani-kanilang certificate of candidacy (COC) para sa muling halalan ngunit lumipat ng posisyon para sa 2025 mid-term polls.
Bago sumapit ang alas singko ng hapon kahapon na deadline ng paghahain ng COCs, dumating sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) provincial office ang parehong incumbent officials para bawiin ang mga COC na inihain nila noong Oktubre 1 at magpalit ng posisyon.
Dahil dito, tatakbo bilang gobernador si Araneta-Marcos sa ilalim ng Nacionalista Party kung saan katunggali nito ang isang independent candidate na si Arlene Jocelyn Butay, residente ng bayan ng San Nicolas.
Sa isang press conference, sinabi ni Manotoc na ang trabaho ng isang gobernador ay tumatagal ng maraming oras at naapektuhan nito ang ilang bagay na mahalaga sa kanya.
Aminado siya na may mga pagkakataong naisipan niyang huminto sa pulitika para makapagpahinga ngunit may parte rin sa kanya na ayaw niyang umalis sa pamahalaang panlalawigan para hindi pabayaan ang kanyang mga nasasakupan.
Samantala, si Araneta-Marcos ay naging bise gobernador ng Ilocos Norte noong 2019 nang palitan niya ang kanyang asawa, ang yumaong provincial board member na si Mariano “Nonong” Marcos II, na namatay dahil sa cardiac arrest at tumatakbo noon bilang bise gobernador ka-tandem ng kanyang pamangkin na si Manotoc.