-- Advertisements --

Nananawagan ang ilang abogado ng mga biktima ng drug war para sa paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Saad ng mga ito na mayroon pa ring obligasyon ang Pilipinas sa ICC pagdating sa pakikipag-tulungan sa kanilang imbestigasyon at pag-iisyu ng arrest warrant sa dating pangulo.

Sinabi pa nina Kristina Conti at Neri Colmenares, 2 sa mga abogado ng mga pamilya ng drug war victims na ang pangunahing basehan para sa Pilipinas para makipagtulungan sa ICC ay ang Article 127 ng Rome Statute.

Sa ilalim kasi ng naturang probisyon, sinabi ni Conti na ang pag-kalas ng Pilipinas mula sa ICC noong 2018 ay wala umanong kinalaman sa mga kasong inihain bago naging epektibo ang withdrawal ng bansa makalipas ang isang taon.

Inihayag naman ni Colmenares na sa naturang probisyon, anumang isyu o usapin sa ilalim ng konsiderasyon ng korte bago maging epektibo ang withdrawal ay magpapatuloy pa rin.

Depensa naman ni Atty. Harry Roque, dating tagapagsalita ni dating Pangulong Duterte na noon lamang 2023, 4 na taon matapos kumalas ang PH mula sa imbestigasyon ng ICC, saka pa lamang aniya pinayagan ng Pre -Trial chamber ang imbestigasyon ng kanilang prosecutor sa kaso ng dating Pangulo.

Matatandaan, humaharap si Duterte sa kaso ng umano’y crimes against humanity sa ICC kaugnay sa war on drugs sa ilalim ng kaniyang administrasyon.