-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Pabor ang isang abogado sa desisyon ng Korte Suprema sa pagpataw ng preventive suspension kay Atty. Lorenzo ‘Larry’ Gadon kaugnay ng viral video sa social media kung saan ininsulto ang isang mamamahayag.

Sa video ni Gadon noong Disyembre 15, 2021, mapapanood ang bulgar na mga pananalita na binitawan nito laban kay Robles sa sobrang galit matapos na tawaging tax evader ng huli si Ferdinand “Bong-Bong” R. Marcos.

Binabaan ng show cause order ng SC si Gadon at pinagpapaliwanag kung bakit hindi dapat i-disbar o tanggalan ng lisensya bilang abogado.

Ang hakbang ng SC ay kasunod ng panawagan ng publiko na disiplinahin si Gadon dahil sa ”vulgar rant” nito na hindi lamang umano insulto kay Raissa Robles kundi sa buong legal profession.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Atty. Alex Lacson, isang abogado, nakapaloob sa Canon Law Code of Professional Responsibility na dapat na ipino-promote ng abogado ang dignidad at integridad imbes na pag-ugatan ng iskandalo.

Giit pa ni Lacson na libreng magtanong at magbigay ng kuro-kuro ang bawat isa subalit walang karapatan na mang-insulto ng kapwa.

Sampung araw ang ibinigay na palugit ng SC kay Gadon para sa komento.

Una na ring sinuspinde ng Korte Suprema si Gadon sa loob ng tatlong buwan sa isa pang disbarment case na kinakaharap noong 2019.