DAVAO CITY – Mahalaga umano ang ilang mga accomplishments ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang inihayag kasabay ng kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) kahapon.
Ayon kay Ramon Casipale, isa sa mga advocate ng federalism, ilan sa malalaking nagawa ng Pangulo ay ang pagpapatupad ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at pagpasa ng Bangsamoro Organic Law (BOL) na siya umanong daan para matapos na ang rebelyon sa ilang lugar sa Mindanao na nagsimula noong 1970s.
Nagawa umano ang nasabing hakbang ni Pangulong Duterte na hindi nagawa ng nakaraang mga administrasyon.
Samantala, nanininiwala naman si Casiple na hindi pa rin isinantabi ng Pangulo ang usapin patungkol sa pagpapatupad ng pederalismo sa bansa at nasa kongreso pa rin ang desisyon kung nakahanda na ito sa pagbabago ng sistema ng gobyerno.
Sa isyu naman ng West Philippine Sea (WPS) sinabi ni Casiple na ipinaliwanag lamang ng Pangulo kung papano hahawakan ang sitwasyon sa pinag-aagawan na mga isla sa matiwasay na pamamaraan sa pamamagitan ng isang negosasyon sa gitna ng nangyaring tensiyon.