Hiling ng ilang activists ang mahabang buhay para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kasabay ng kaniyang ika-80 kaarawan ngayong Biyernes, Marso 28 upang maharap umano nito ang kaniyang kaso hanggang dulo.
Sa isang video message, sinabi ng dating mambabatas na si Atty. Neri Colmenares na parte din ng legal team ng drug war victims, nais ng kanilang partidong Bayan Muna na magkaroon pa ng maraming kaarawan ang dating Pangulo habang nananatili ito sa piitan.
Sa hiwalay na statement, inihayag naman ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) President Renato Reyes na mapalad ang dating Pangulo dahil maipagdiriwang nito ang kaniyang kaarawan habang inaalala din nito ang libu-libong pinatay sa kaniyang rehimen na hindi makakapagdiwang pa ng kanilang mga kaarawan.
Inalala din niya ang daan-daang political prisoners na ikinulong sa rehimen ng dating Pangulo gaya nina Frenchie Mae Cumpio at Romina Astudillo na patuloy na ipinagdiriwang ang kanilang mga kaarawan sa mga masisikip na kulungan sa bansa.
Dagdag pa niya na kanilang hinihiling na humaba pa ang buhay ng dating Pangulo upang maharap niya ang mga biktima ng drug war sa International Criminal Court (ICC) at maunawaan kung ano ang kaakibat na due process at makita ang kinalabasan ng isang proseso na ipinagkait sa maraming mga biktima at para makita niya hanggang sa makamit ang hustisiya.
Samantala, bilang selebrasyon naman ng kaarawan ni dating Pangulong Duterte, naglunsad ng rallies at programa ang mga tagasuporta ng dating Pangulo sa Pilipinas, sa The Hague, Netherlands at sa iba pang mga bansa.