Mainit na tinanggap umano ng bansa ang pagdating ng ilang mga refugees kabilang na ang ilang mga bata at kababaihan mula sa Afghanistan nitong nakalipas na gabi ng Miyerkules.
Sa social media tweet, kinumpirma ito ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. bagamat hindi na nagbigay pa ng karagdagang detalye ang opisyal.
Hindi rin nito tinukoy ang bilang ng mga Afghan refugees na dumating sa para na rin sa kanilang kaligtasan at privacy.
Inihayag pa ni Locsin na mananatiling bukas ang Pilipinas na tumanggap sa mga naipit sa kaguluhan, persecution, sexual abuse at nasa bingit ng kamatayan.
“We stay steady where others waver: tonight we welcome Afghan nationals including women & kids seeking refuge. Our doors are open to those fleeing, conflict, persecution, sexual abuse and death,” ani Locsin sa kanyang tweet. “The matter is closed. We’re not interested in publicity or thanks. This is done so one can look at himself in the mirror. Period.”
Nauna nang sinabi ni Locsin na tatanggap lamang ang Pilipinas ng mga refugees sa pamamagitan ng government to government basis kung saan partikular na tinukoy ang pakikipag-ugnayan sa mga gobyerno ng UK, Amerika at iba pang western countries na siyang nanguna sa paglilikas sa mga Afghan na lumisan matapos na masakop ng Taliban militants ang Afghanistan. (with reports from Bombo Everly Rico)