Binulabog ng bomb threat ang ilang ahensiya ng gobyerno kabilang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at paaralan sa Quezon city, Cebu at Bataan ngayong araw ng Lunes, Pebrero 12.
Ito ay matapos na kumalat sa iba’t ibang online platforms kaninang umaga ang unverified reports ng bomb threats na humantong sa pagsuspinde ng klase sa ilang paaralan at trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno, kabilang na nga ang Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa QC, lumikas din ang mga empleyado ng Department of Environment and Natural Resources sa gusali at pansamantalang sinuspinde muna ang trabaho para sa afternoon shift at pinauwi ang mga empleyado.
Sa inisyal na ulat, sinabi ng Bureau of Fire Protection na nagtungo sa tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources sa Visayas Avenue sa Diliman ang ilan sa mga tauhan nito dakong alas-11:03 ng umaga para tumugon sa bomb threat.
Dumating din umano sa naturang lugar ang explosive ordnance disposal team mula sa Quezon City Police District (QCPD) para i-assess kung mayroon talagang itinanim na bomba sa lugar.
Una rito, ang naturang bomb threat ay nagmula umano sa isang kahina-hinalang email na ipinadala ng isang Takahiro Karasawa, na nagpakilalang isang Japanese lawyer, bandang 3:50 ng madaling araw, Pebrero 12. Ito ay naka-address sa isang paaralan sa Bataan at sa ibang mga lugar na nauugnay sa Department of Education (DepEd) .
Sa mensahe ni Karasawa naglagay umano siya ng high-performance bomb sa mga pangunahing tanggapan ng gobyerno ng Pilipinas. Ang mga bombang iyon ay sasabog umano mamayang bandang 3:34 ng hapon.
Subalit sa panig ng Philippine National Police, agad na nagsagawa ng operasyon at imbestigasyon sa mga lugar na napaulat na nakatanggap ng bomb threat subalit walang nakitang mga bomba sa nasabing mga lugar.