DAVAO CITY – Tiniyak ni Estilla Rugay Bachinicha, tubong Talisayan, Misamis Oriental at kasalukuyang naninirahan sa Changwon South Korea na nasa mabuti umano ang kanilang kalagayan sa gitna ng banta ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Ngunit mayroon umanong mga aktibidad ang mga Pinoy na nasa South Korea ang temporary ngayon na itinigil gaya na lamang ng pagsasagawa ng misa sa mga simbahan ito ay para maiwasan ang pagkalat ng virus.
Dagdag pa ni Bachinicha, sarado rin ang kanilang opisina sa kasalukuyan at iba pang mga establisyemento sa lugar at tanging ilang mga staff lamang ang pinagayagan na makapasok.
Mayroon umano siyang tinulungan na Pinay na nag-aasikaso ngayon ng kanyang national pension dahil gusto na nitong umuwi sa Pilipinas ngunit sa labas lamang ng opisina ginawa ang transaksiyon.
Napag-alaman na matagal na si Estilla sa Changwon South Korea dahil nakapag-asawa na ito ng Koreano at nagkaroon na rin sila ng anak.
Sa kasalukuyan, tanging pag-iingat lamang ang kanilang ginawa para hindi sila mahawa ng COVID.
Napag-alaman din kay Bachinicha na higit isang oras lamang ang layo nila sa Daegu City kung saan naitala ang outbreak sa COVID-19 sa South Korea dahilan kaya doble na ang kanilang ginagawang pag-iingat.
Nanawagan din ito sa kaniyang mga kamag-anak na nasa Pilipinas na walang dapat ipag-alala dahil nasa mabuti umano silang kalagayan.