Nagdaos ng ilang aktibidad ang ilang grupo at tanggapan ng pamahalaan para sa mga seafarers.
Binigyang pagkilala rito ang malaking kontribusyon ng mga marino o seafarers sa bansa, na isa sa may malaking kontribusyon sa ating ekonomiya.
Ito ay bahagi ng selebrasyon ng Day of the Filipino Seafarers, kung saan nag-alay ng bulaklak ang mga kinatawan ng Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Maritime Industry Authority (MARINA) sa bantayog ni Dr. Jose Rizal.
Kasamang dumalo sa aktibidad ang mga kadete mula sa Philippine Merchant Marine Academy (PMMA) na nagsilbing honor guards.
Ayon kay MARINA Administrator Sonia Malaluan, nasa US$6.7 hanggang US$6.8 billion o katumbas ng P394.4 billion kada taon ang kontribusyon sa bansa ng mga seafarers sa pamamagitan ng remittances.
Nasa 25% naman ng mga seafarer ay mga Pilipino na nangunguna pagdating sa husay ng pagtatrabaho, base na rin sa mga isinagawang survey.
Dahil dito, nagpapasalamat ang MARINA sa mga kontribusyon ng mga ito, kung saan may mga programa pa silang pinaplano para sa kapakanan ng mga sea-based OFWs.
Sa panig naman ni Transportation Sec. Jaime Bautista, sinabi nitong suportado ng gobyerno ang kapakanan ng mga seafarers, bilang pagkilala na rin sa mataas na pagtingin sa hanay ng ating mga marino hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo.