Ginunita nitong weekend ang ika-124 anibersaryo ng pagsiklab ng Digmaang Pilipino-Amerikano (Philippine-American War Memorial Day) sa Sampaloc, Maynila.
Nagsilbing panauhing pandangal si Manila Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto.
Kasama niyang nag-alay ng bulaklak sa panandang pangkasaysayan si Capt. Jonathan A. Salvilla ng Philippine Navy.
Nag-alay din ng bulaklak sina Carminda Arevalo ng National Historical Commission, Rep. France Castro ng Act Teachers Party-List, at Punong Barangay Danilo Tibay ng Barangay 586, Zone 57.
Kasama din ni Castro sa pag-aalay ng bulaklak si dating Rep. Antonio Tinio ng ACT.
Naroon din siya bilang kaanak ni Heneral Manuel Tinio na itinuturing na pinakabatang heneral sa hukbo na lumaban sa digmaang Pilipino-Amerikano.
Dumalo rin sa paggunita si Dr. Francis Gealogo na dating kasapi ng Board ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas.
Pinangunahan ni Katherine Kay Manuba-Oliveros ang panalangin na sinundan ng mga mensahe mula kina Punong Barangay Tibay, Nanunungkulang Opisyal Arevalo, Kinatawan Castro, at Pangalawang Punong Lungsod Nieto.
Sa kanyang mensahe, ipinaalala ni Nanunungkulang Opisyal Arevalo na ang Digmaang Pilipino-Amerikano ay pagtatanggol ng mga Pilipino sa kalayaan at kasarinlang kanilang ipinanalo. Aniya, magandang paalala ang paggunita lalo’t nalalapit ang ika-125 anibersaryo ng pagpapahayag ng kalayaan sa paparating na Hunyo.
Ang ika-4 ng Pebrero ay itinuturing na Araw ng Paggunita sa Digmaang Pilipino-Amerikano sa bisa ng Batas ng Republika Blg. 11304 na ipinanukala ng ACT Teachers Partylist at nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong 16 Hulyo 2019.