Maraming mga alkalde sa unang distrito ng Albay ang ikinokonsiderang maghain ng reklamo laban sa ilang indibidwal dahil sa umano’y pagbili ng mga pirma upang isulong ang people’s initiative para sa Charter change ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman.
Sinabi ng kongresista na ang mga alkalde na tumanggap ng pondo para mangalap ng pirma para sa Cha-cha ay maghahain ng mga reklamo bago matapos ang kasalukuyang buwan.
Inihayag din ng mambabatas na ipinag-utos pa ng alkalde sa unang distrito sa mga pulis sa kanyang nasasakupan na arestuhin ang lahat ng sangkot sa pagbebenta at pagbili ng mga pirma para sa people’s initiative.
Samantala ang isa pang opsyon, ayon kay Cong. Lagman ay magsampa ng reklamong kriminal para sa election offense sa prosecutor’s office.
Kinuwestiyon din ni Cong. Lagman ang proseso ng pangangalap ng mga lagda para sa PI.
Aniya, sa ilalim ng Initiative and Referendum Act, kung sakaling magkaroon ng signature campaign para sa national legislation, dapat pumirma ang mga botante sa harap ng election registrar o sa kanyang mga kinatawan. Kung ito naman ay kinakailangan para sa national legslation, mayroong higit na dahilan upang gawin ito sa isang plebisito upang amyendahan ang Konstitusyon. Subalit hindi aniya ito nangyayari.
Sinabi naman ni dating Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin, na nakiisa sa people’s initiative bilang petitioner, na sinumang tao ay maaaring magsampa ng mga kaso at sumalungat sa naturang inisyatibo bilang bahagi ng demokratikong proseso.
Saad pa ni Cong. Garbin na ang inisyatiba ay nakakalap ng kinakailangang bilang ng mga lagda sa mga distrito sa Albay, Sorsogon, at Catanduanes.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin aniya ang signature campaign para sa PI ay sa kabila ng anunsiyo ng Senado na ito ay mangunguna sa mga hakbangin ng Kongreso para sa pagsusulong ng charter change