LEGAZPI CITY – Patuloy ang panawagan ng provincial government ng Catanduanes ng tulong mula sa iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan upang malutas ang lumalalang problema sa COVID-19.
Ito matapos ideklara ang Catanduanes bilang tanging lalawigan sa bansa na isinailalim ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa Alert Level 4 status.
Una nang inamin ng Department of Health (DOH) Catanduanes na posibleng sanhi ng pagsasailalim sa Alert Level 4 ay ang tumataas na COVID-19 hospital bed utilization rate sa lalawigan.
Dahil dito ay mahigpit na ipinagbabawal ang mga sports, events, mga indoor at outdoor activities at anumang uri ng pagtitipon.
Nanawagan rin ang ilang mga local chief executives ng suporta mula sa national government dahil sa kakulangan ng pondo upang matulungan ang mga residente na apektado ang kabuhayan.
Kaugnay nito, agad naman na nagpadala ng libo-libong family food packs sa lalawigan ang Department Social Welfare and Development (DSWD) bilang augmentation support sa mga LGUs.
Samantala, isa pa sa mga hinaharap na suliranin ngayon ng lalawigan ang kakulangan sa health personnel dahil ang ilan sa mga ito ay tinamaan na rin ng sakit.
Kung maaalala, matagal nang suliranin sa island province ang kakulangan ng mga doktor at nurses sa mga ospital.