-- Advertisements --

Pinaburan ng ilang alkalde sa Metro Manila ang planong pagpapalawig na mas maagang oras ng pagpasok sa trabaho.

Kung saan, hindi lamang mga empleyado ng lokal na pamahalaan ang magkakaroon ng 7:00 a.m. to 4:00 p.m. na pasok kundi isasama na rin pati ang ibang opisina ng gobyerno. 

Kaya naman, nagpahayag ng hindi pagtutol ang ilang mayor sa kalakhang Maynila sa naturang plano.

Sumang-ayon rito si Mayor Francis Zamora ng San Juan City na ayon sa kanya, mas naiibsan ang bigat sa daloy ng trapiko kung ipagpapatuloy ang ganitong oras ng pagpasok. 

Napansin din ng alkalde sa lungsod ng San Juan na kadalasan sa umaga ang mas maraming isinasagawang transaksyon sa kanilang city hall. 

Sinegundahan naman ito ni Mayor Emi Calixto-Rubiano ng Pasay City dahil aniya, mas madaling nakakauwi ang mga empleyado sapagkat hindi na sila inaabutan pa ng rush hour. 

Ngunit nilinaw naman ng naturang alkalde na hindi nila ito ipinatutupad sa lahat ng mga nagtatrabaho. 

Paliwanag niya, may mga gawain sa kanilang opisina na kailangang magpatuloy pa rin ng lagpas sa alas-kwatro ng hapon. 

Ang chairman naman ng Metropolitan Manila Development Authority na si Atty. Don Artes ay sinabing ipapasa nila ang rekomendasyong ito sa opisina mismo ng presidente. 

Ani pa niya, plano nila itong isumite sa Office of the President sa lalong madaling panahon.