Hindi naitago ng ilang boxing experts ang pagkabahala sa nalalapit na laban ng 40-anyos na eight-division at current WBA (Regular) welterweight champion, Sen. Manny Pacquiao (61-7-2, 39 KO’s) kontra sa mas batang dating unified welterweight champion at kasalukuyang WBA (Super) welterweight champion Keith Thurman (29-0, 22 KO’s).
Ayon kay Michael Rosenthal, awardee sa excellence in boxing journalism sa Amerika, maraming mga boxing legends na nagka-edad na ay sa buong akala ay meron pang ibubuga.
Tinukoy pa ng boxing expert ang ilan lamang sa maraming mga boxing champions na nagretirong talunan.
Tulad na lamang daw nina Muhamad Ali, Sugar Ray Leonard, Oscar De La Hoya at Bernard Hopkins.
Umaasa na lamang ito na hindi sana mangyari kay Pacman ang naranasan ng mga nabanggit na boxing legends.
Gayunman, ang ipinakita umano ni Pacquiao noong buwan ng Enero kontra kay Adrien Broner na hindi pa ito laos.
Pero sa kaso umano ng 30-anyos na American champion at undefeated na si Keith Thurman, baka magbago ang ihip ng hangin.
Masasabi raw na mas gutom si Thurman at meron itong nais patunayan at mahanay din sa mga boxing legends.
“All that is why I fear for Pacquiao. It’s not difficult to envision a one-sided beating that brings back awful memories of other Hall of Fame fighters who needed such a pounding to convince them to retire. I hope I’m wrong. I hope Pacquiao has enough left to be competitive with Thurman and walk out of the ring under his own power, with his head held high. Great fighters have been known to extract one last great performance out of themselves late in the game. I worry that I’m right,” ani Rosenthal sa kanyang column sa boxingscene.com.
Sa natapos na press tour sa Amerika, ilang beses na nambastos si Thurman kay Pacman.
Tulad na lamang nang pagsabihan niya na bilang politiko ay manatili na lamang senador si Manny dahil siya raw ang tatapos sa boxing career ng Pinoy ring icon.
Samantala, para naman kay Pacman bibigyan niya ng matinding aral sa boxing si Thurman sa July 20 sa kanilang bakbakan sa MGM Grand sa Las Vegas.