Naghain rin ng kandidatura ang ilang artista at social media personality para tumakbo bilang konsehal sa 2025 midterm elections.
Kabilang dito ang aktor na si Enzo Pineda na sinamahan ng kaniyang kasintahan at aktres na si Michelle Vito at kaniyang ina para maghain ng kaniyang Certificate of Candidacy (COC) sa pagka-konsehal sa ikalimang distrito ng Quezon city.
Ang ama ni Enzo ay dati na ring naging kongresista na si Enrico Pineda bilang kinatawan ng 1-Pacman partylist.
Tatakbo din ulit ang aktor na si Alfred Vargas bilang konsehal din ng ikalimang distrito ng lungsod ng Quezon sa ikalawang termino.
Susubukan naman ng isa sa noontime variety show host na si Ion Perez na bagito sa pulitika na tumakbo bilang konsehal sa Conception, Tarlac na nauna ng nanumpa bilang miyembro ng Nationalist People’s Coalition na pinamumunuan ni Tarlac Gov. Susan Yap.
Samantala, naghain din ng kaniyang kandidatura ang content creator at beauty products owner na si Rosmarie “Rosmar” Tan-Pamulaklakin para sa pagka-konsehal sa unang distrito ng Maynila bilang independent candidate.
Una niyang tinangkang pasukin ang pulitika noong 2022 sa pagtakbo bilang konsehal ng ikaapat na distrito ng Maynila subalit natalo siya.