VIGAN CITY – Dumating na umano sa bansa ang ilang mga atletang kalahok sa 30th Southeast Asian (SEA) Games para sa susunod na buwan.
Sinabi sa Bombo Radyo Vigan ni Ronel Ubaldo na isa sa mga national technical official sa larangan ng athletics, na ito ay may kaugnayan sa isasagawang pre-test activity sa lahat ng mga equipment na gagamitin para sa nasabing regional biennial meet.
Ayon kay Ubaldo, ang mga atleta na napiling lumahok sa aktibidad na isasagawa bukas hanggang Sabado ay nananatili sa Athletic Village sa New Clark City, Capas, Tarlac.
Idinagdag nito na natapos na ang ilang serye ng seminar-training para sa mga national technical official kung kaya isusunod na ang pre-test activity.
Aniya, mayroon pang isinagawang lecture ang ilang International Technical Officials kung saan pagkatapos nito ay dumaan sila sa written exam upang mabatid kung mayroon silang natutunan.