LEGAZPI CITY – Nananatiling lubog sa baha ang ilang bahagi ng Albay dulot pa rin ng malakas na pag-ulan na naranasan sa lalawigan dahil sa bagyong Ambo.
Ayon sa impormasyon mula kay Jovellar Vice Mayor Jorem Arcangel, kabilang sa mga lubog sa baha ang mga Barangay Mabini at Sto. Niño.
Maaalalang karaniwang binabaha ang naturang mga lugar sa tuwing nagkakaroon ng makalas na pag-ulan dahil sa pag-apaw ng ilog sa naturang bayan.
Nabatid na dumadaloy din sa naturang bayan ang tubig mula sa mga bayan ng Guinobatan, Camalig at Daraga kaya nagmimistulang embudo ang lugar kaya madalas na nararanasan ang pagkalubog sa baha.
Samantala, sa hiwalay na panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Camalig Mayor Caloy Baldo, sinabi nito na nakapagtala rin ng maliliit na paguho ng lupa sa naturang baya subalit wala namang nasaktan sa insidente.
Kaugnay nito ay wala namang naitalang casualty sa Albay habang balik na rin sa kanilang kabahayan ang karamihan sa mga lumikas na residente.