-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Sa kabuuang 35 pamilya o 114 na indibidwal na inilikas sa isla ng Boracay at mainland Malay, tatlong pamilya na lamang ang natira sa mga itinalahang evacuation centers.

Ayon kay Catherine Fulgencio ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Malay, nagsagawa sila ng forced evacuation matapos na binaha ang ilang low-lying areas dulot ng bagyong Jolina.

Sa kabilang daku, dahil sa lakas ng ulan, isang highway sa Barangay Dumlog, Malay ang nasira ang halos kalahati ng kalsada.

Nilagyan ito ng kaukulang warning device at binabantayan ng mga tauhan ng DPWH upang maayos na makadaan ang mga motorista.

Nagkaroon rin umano ng mga maliliit na landslides at agad namang nalinis ng Municipal Engineering Office.

Samantala, pansamantalang itinitigil ang biyahe ng mga motorbanca papunta at palabas ng Boracay kapag malakas ang buhos ng ulan at hangin.