GENERAL SANTOS CITY – Binaha ang ilang bahagi ng General Santos City matapos ang pagbuhos ng ulan kagabi bunsod ng masamang panahon sa bahagi ng Mindanao.
Sa paglilibot ng Bombo Radyo GenSan patrol, naabutan na lubog sa baha ang kalsada sa tapat ng GenSan Sped Integrated School sa Barangay San Isidro.
Dahil dito, na-stranded ang mga estudyante at inabutan pa ng gabi sa daan dahil pahirapan ang pagsakay.
Ngunit nakauwi rin ang mga sa kanilang mga bahay matapos na magbigay ng libreng sakay ang Barangay San Isidro gamit ang kanilang rescue van.
Sa Brgy San Isidro pa rin, isang van ang tumirik sa daan dahill pa rin sa baha.
Ilang motorsiklo at tricycle naman ang tumirik at natumba sa daan na nagdulot ng matinding traffic.
Ang iba pang lugar na binaha ay ang mga barangay ng Apopong, Lagao, Baluan at Mabuhay kung saan ang ilang area ay lagpas-tuhod ang tubig-baha.
Sa ngayon, humupa na ang baha sa ilang lugar pero patuloy pa ring nakaalerto ang mga residente.
Nabatid na mahigit isang oras na bumuhos ang ulan sa lungsod kagabi.