-- Advertisements --
244715084 3100743380145042 5999028376858597165 n

VIGAN CITY – Ilang bahay sa lalawigan ng Ilocos Sur partikular na sa ikalawang distrito na kinabibilangan ng bayan ng Sta. Maria, Sta Cruz, Narvacan at Candon ang lubog sa baha dulot ng magdamag na pag-ulan at malakas na hangin dahil sa bagyong Maring.

Una nang inilagay ang lalawigan sa ilalim ng Tropical Wind Cyclone Signal No 2.

Sa bayan ng Sta. Maria ilang mga residente ang nagpasaklolo sa Bombo Radyo dahil nasa bubong na ng kanilang bahay dulot ng malakas na ulan at baha.

Sa bayan ng Sta. Lucia hindi umano madaanan ang ilang bahagi ng national highway kabilang na rin ang Santiago national highway dahil sa pagguho ng lupa.

Maliban sa pagbaha, malakas na hangin at ulan, problema din ngayon sa lalawigan ang supply ng kuryente kung saan ilang oras na walang supply ang iba’t-ibang bahagi ng lalawigan lalo na sa siyudad ng Vigan.

Base sa abiso ng Ilocos Sur Electic Cooperative may mga sanga ng punongkahoy na nakahambalang sa mga kawad ng kuryente.

Suspendido na rin umano ang trabaho sa kapitolyo ng lalawigan maliban sa mga nasa rescue units.

Sa ngayon naka Red Alert Status na ang Ilocos Sur Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council para sa mga gagawing rescue operation sa mga sinalanta ng bagyo.