Nagpapatuloy ang rescue operation ng Cavite Provincial Disaster Risk Reduction Management Office nitong umaga ng Linggo katuwang ang iba pang lokal na DRRMO para sa mga residenteng na-stranded sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan.
Ito ay matapos na lumubog sa baha ang ilang mga barangay at lugar sa Kawit, Cavite dahil sa walang humpay na buhos ng ulan na dulot ng bagyong Paeng.
Ayon sa Division Head ng Cavite PDRRMO na si Mark Mawalan, nagpasaklolo na rin sila sa lokal na pamahalaan ng Novelita sa provincial government upang masagip ang maraming pamilyang na-trap sa San Juan (Novelita) nang dahil sa pananalasa ng nasabing bagyo.
Maraming mga video post ng mga residente mula sa nasabing lugar ang nagkalat sa buong social media habang humihingi ng tulong kung saan makikita ang hanggang dibdib na taas ng tubig baha dahil sa bagyong Paeng.
Makikita rin sa ibang video posts na nasa bubong na ang ilang residente habang naghihintay ng saklolo mula sa mga awtoridad.
Ayon sa mga kinauukulan, bahagyang nahirapan ang mga rescuers sa pagtungo sa mga apektadong residente dahil sa lakas ng ragasa ng tubig baha.
Samantala, sa kabilang banda naman ay binisita ni Kawit Mayor Angelo Emilio Aguinaldo ang Binakayan National High School upang kamustahin ang ilang mga pamilyang lumikas doon dahil sa kalamidad.