Lubog sa baha ang ilang bahagi ng Metro Manila dahil sa malakas na pag-ulan kahapon, na nagdulot ng traffic jam sa mga pangunahing kalsada.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), isang bahagi ng EDSA northbound malapit sa Gate 3 ng Camp Aguinaldo sa Quezon City ang nagkaroon ng hanggang 19 na pulgada ng baha bago magtanghali.
Ang mga pribadong sasakyan at bus na gumagamit ng EDSA Bus Carousel sa pinakaloob na lane ng EDSA ay naipit at hindi na nagtangkang dumaan sa malalim na baha.
Halos lubog pa ng tubig baha ang concrete barrier ng Bus Carousel na nagresulta ng pagkaantala o stranded ng mga sasakyan na umabot hanggang Guadalupe sa Makati City.
Itinalaga naman ang isang traffic enforcer para tumulong sa mga motorista na nagtangkang lumusong sa baha.
Iniulat pa ng MMDA, ang baha sa EDSA northbound malapit sa Camp Aguinaldo Gate 3 ay humupa bandang 2:17 ng hapon dahilan para makadaan ang ilang sasakyan.
Binaha rin ang EDSA northbound malapit sa isang mall sa Quezon Avenue na may 10 pulgadang baha at EDSA southbound sa intersection ng Panay Avenue na may walong pulgadang baha.
Ayon naman sa Manila city government, Binaha rin ang ilang bahagi ng Maynila.