Iniulat ng Weather State Bureau na makakaranas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan dahil sa trough ng low pressure area (LPA) at shear line.
Batay sa kanilang 4 a.m. weather bulletin, nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa publiko sa Northern Mindanao, Caraga at Davao Region sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa trough ng LPA na nakita sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ang shear line ay magdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Rehiyon ng Bicol, Quezon, Marinduque at Romblon.
Ang Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region at Aurora ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may mga pag-ulan dahil sa northeast monsoon o “amihan.”
Habang ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng Luzon ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang sa kung minsan ay maulap na papawirin na may mahinang mga pag-ulan dulot ng hilagang-silangan na monsoon habang ang nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng pulu-pulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dahil sa mga localized thunderstorms.
Ang Hilagang Luzon gayundin ang nalalabing bahagi ng Luzon, Visayas at ang silangang bahagi ng Mindanao ay makakaranas ng katamtaman hanggang sa malakas na hanging patungo sa hilagang-silangan na may katamtaman hanggang sa maalon na karagatan.
Ang temperatura ay nasa pagitan ng 23.1 °C at 29.2 °C.