CAUAYAN CITY – Ilang bahay at gusali ang nagkaroon ng pinsala matapos ang naganap na Magnitude 6.4 na lindol sa Dalupiri, Island sa Calayan, Cagayan kagabi.
Naramdaman ang Intensity IV sa Sinait, Ilocos Sur habang naitala naman ang Instrumental Intensities sa Aparri at Gonzaga sa Cagayan at Laoag City sa Ilocos Norte.
Intensity III naman sa Peñablanca, Cagayan; Sinait at Vigan City sa Ilocos Sur, Intensity II sa City of Ilagan, Isabela, Intensity I sa Casiguran, Aurora, at Candon, Narvacan, at Tagudin sa Ilocos Sur.
Ligtas ang magkapatid na nadaganan nang bumagsak ang dingding ng kanilang bahay.
Ang magkapatid ay sina Baby Caty Dela Cruz, 13-anyos at Carmela Dela Cruz, 13-anyos.
Sila ay agad dinala sa Calayan Infirmary.
Nagdeklara si Mayor Jong Llopis ng suspension ng klase sa lahat ng mag-aaral sa lahat ng antas sa bayan ng Calayan kasama na ang mga Island Barangays ngayong araw para sa isasagawang inspeksyon ng lahat ng gusaling pampaaralan para na rin sa kaligtasan ng mga mag-aaral.
Napaulat na nagtamo ng malalaking cracks ang mga gusali ng Calayan High Scool main kaya ipinag-utos agad ni Mayor Llopis ang inspection sa lahat ng gusali.
Samantala, kasalukuyan pa ang beripikasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Cagayan sa naitalang pinsala sa naganap na lindol.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PDRRM Officer Rueli Rapsing sinabi niya na naramdaman ang Intensity 4 sa coastal areas ng Cagayan habang intensity 3 naman sa Mainland Cagayan.
Sa ngayon ay nag-iikot na ang mga MDRRM Offices sa mga apektadong lugar.
Nagpapatuloy din ang pangangalap nila ng ulat sa Dalupiri Island sa Calayan, Cagayan kung saan naitala ang episentro ng lindol sa lalim na sampung kilometro at tectonic ang pinagmulan.
Pinapayuhan din ang lahat ng mga residenteng naapektuhan ng lindol na makipag-ugnayan sa mga kinauukulan.
Plano ng PDRRMC Cagayan na mas maging maigting ang isagawang pagsasanay partikular ang mga paghahanda dahil kailangan nilang maging handa kung sakaling muling yanigin ng lindol ang lalawigan.