Roxas City – Bangkay na ng matagpuan ang isang 25-anyos na lalaki matapos na inanod ng baha dulot ng malakas na pag-ulan sa Barangay Badiangon, Pres. Roxas Capiz.
Kinilala ang biktima na si Leonel Ballon ng naturang lugar.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Roxas sa ama ng biktima na si Remundo Deita 76-anyos na bandang alas 9 kagabi ay magkasama pa silang naghahapunan ng anak nang bigla na lamang tumaas at lumakas ang lebel ng tubig.
Dahil dito bigla na lamang tinangay ng rumaragasang tubig baha ang kanilang bahay dahil malapit lamang ito sa gilid ng ilog.
Ayon kay Tatay Remundo na sinabihan pa nito ang anak na lumikas na sa kanilang lugar ngunit nagmatigas pa ito dahil ayaw nitong iwanan ang kanilang alagang mga hayop.
Aniya na matapos tangayin ng rumaragasang tubig baha ang kanilang bahay ay naghiwalay na sila ng kanyang anak.
Sinabi pa ni Tatay Remundo na muntik narin itong anorin ng baha ngunit maswerte na lamang nakakapit ito sa puno ng kahoy habang ang kanyang anak naman ay hindi na nakaligtas matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig.
Nabatid na umaga na ng matagpuan ang bangkay ng kanyang anak sa gilid ng ilog kung saan marami na itong sugat sa ilang bahagi ng kanyang katawan.
Sa ngayon, labis na lamang ang kalungkutan ni Tatay Remundo matapos na nawalan ito ng bahay at mahal sa buhay.
Napag-alaman na dalawa lamang silang namumuhay na magkasama ng kanyang anak.