TACLOBAN CITY – Napaaga ang pag-uwi ng ilang mga bakasyunistang Pinoy sa Macau, China dahil sa posibilidad na magpatupad ng lockdown sa lugar dahil sa banta na dulot ng corona virus.
Sa panayam ng Bombo Radyo Tacloban sa isang bakasyunista sa bansang Macau na si Grecil Eval, na imbes na mag-enjoy sa kanilang bakasyon ay napilitan silang magparebook nalang ng ticket upang makauwi sa Pilipinas dahil sa ikinakabahalang corona virus.
Kasama naman nito ang kanyang pitong buwan na sanggol at kanyang hipag.
Dagdag pa ni Eval, sa ngayon ay hindi na rin pinapapasok sa nasabing lugar ang mga Chinese na galing sa Wuhan, China.
Nagpapanic buying na rin di umano ang mga tao sa Macau kung saan nagkakaubusan na rin ng bigas at mga groceries dahil sa dami ng mga nagsarang mga tindahan sa lugar.
Mismo noong Chinese New Year ay sarado ang mga establishment sa kanilang lugar.
Suspendido rin sa ngayon ang pasok sa lahat ng mga paaralan sa nasabing lugar hanggang sa Pebro 17 pero posible itong tumagal pa kung madagdagan pa ang bilang ng kaso at casualty ng corona virus sa Macau.