-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Ipinag-utos ni Mayor Benjamin Magalong ang pag-lockdown sa Barangay Fairview sa lungsod ng Baguio mula Huwebes.

Ayon sa alkalde, ito ay dahil sa hindi pagsunod ng ilang residente sa mga alituntunin ng Enhanced Community Quarantine.

Naobserbahan ng alkalde ang kawalan ng kontrol ng mga barangay officials sa mga pasaway na residente.

Ayon kay Magalong, may mga residente doon na naglalaro ng basketbbll at may mga naglalakad na hindi nakasuot ng face masks.

Inihayag ng alkalde na dahil sa pag-lockdown sa Fairview ay mahihigpitan ang mga checkpoints papasok at palabas ng barangay at tanging ang mga essential travels at authorized persons outside residence (APOR) lang ang papahintulutan.

Unang naisailalim sa lockdown ang Maria Basa Street sa Barangay Pacdal gayundin ang Upper Dagsian, Scout Barrio at Woodsgate Subdivision kung saan nakatira ang mga pinakahuling COVID-19 patients sa lunsod.

Kaugnay nito ay nagbabala si Mayor Magalong sa mga residente ng East Quirino Hill, Baguio City na hindi sumusunod sa ECQ dahil kung pagtuloy silang magpapasaway ay isasailalim din sa lockdown ang kanilang barangay.