-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Nakapagtala ng mga pagbaha sa ilang mga barangay sa Bicol region dahil sa ilang araw na walang patid na mga pag-ulan na dulot ng binabantayang mga weather system.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Palanas MDRRMO head Chris Jo Adigue, sinabi nito na nasa 30 pamilya ang inilikas sa Barangay Sta. Cruz dahil sa mga naitalang pagbaha sa lugar na sumabay pa sa high tide.

Samantala, kahit wala pang abiso mula sa lokal na pamahalaan ng lungsod ng Legazpi ay maagang pinauwi ang mga mag-aaral sa Rawis Elementary School matapos malubog sa baha ang kanilang paaralan.

Sa hiwalay na panayam sa school head na si Gloria Abadeza, sinabi nito na matagal nang nararanasan ang naturang problema subalit hindi pa rin maaksyunan hanggang ngayon.

Imbes na umano nag-aaral ang mga bata ay naaantala ang pagkatuto ng mga ito dahil sa kasalukuyan nilang sitwasyon.

Nabatid na mayroon pang natagpuan na palutang-lutang na ahas sa naturang paaralan na labis na ikinabahala ng mga guro at mga magulang.

Kaugnay nito ay nagsuspinde rin ng pasok sa lahat ng antas ang ilang mga bayan kabilang na ang Sto. Domingo, Daraga, Camalig, at Guinobayan sa Albay habang wala ring pasok sa mga bayan ng Mobo, Batuan, at Ezperanza sa Masbate.

Kanselado rin ang pasok sa mga bayan ng Virac, San Miguel, at Baras sa Catanduanes gayundin sa bayan ng Pilar at Gubat sa Sorsogon.