-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Hindi pa rin nakakabalik sa kanilang tahanan ang daan-daang indibidwal sa ilang barangay sa probinsiya ng Sultan Kudarat dahil sa malawakang baha dulot ng patuloy na buhos ng ulan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay MDRRMO Sherwin De Guzman, nasa higit 25 pamilya mula sa Barangay Tinumegez , Lambayong, Sultan Kudarat ang nananatili sa evacuation center dahil sa lubog pa rin sa baha at putik ang kanilang mga tahanan simula nang umapaw ang tubig sa Ala river.

Ayon kay De Guzman, umabot na sa 1,800 na pamilya mula sa limang barangay na rin sa kanilang bayan ang naging apektado ng baha.

Ang nabanggit na mga barangay ang kinabibilangan ng Brgy. Madanding, Udtong, Sadsalan, Sigayan at Tinumegez.

Ang nasabing mga barangay ang halos nasa gilid ng Ala river at dahil na rin sa pag-release ng tubig sa mga dam at pagkasira ng dike kaya’t doble ang buhos ng tubig sa kani-kanilang mga barangay.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang monitoring ng mga opisyal sa tubig sa Ala river upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente at ma-assess na rin kung kalian ang mga ito makakabalik na ligtas sa kanilang mga tahanan.

Samantala, nagpapatuloy pa sa ngaton ang damage assessment sa pinsalang iniwan ng nabanggit na baha.