-- Advertisements --

Nagsagawa ng unilateral exercise ang Philippine Navy sa West Philippine Sea (WPS), na nakatuon sa pagpapabuti ng kahusayan sa operasyon ng kanilang mga barkong pandigma sa gitna ng tumitinding tensyon dulot ng patuloy na presensya ng China sa rehiyon.

Ang mga pagsasanay, na pinangunahan ng BRP Antonio Luna frigate, ay layong mapabuti ang kahandaan at interoperability ng mga tauhan at kagamitan ng hukbong-dagat. Ang mga drill ay isinagawa malapit sa Bajo de Masinloc (na kilala rin bilang Scarborough Shoal), na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Ang hakbang na ito ay kasunod ng pag-file ng diplomatic protest ng Pilipinas laban sa presensya ng isang Chinese Coast Guard (CCG) vessel, na tinatawag na ‘monster ship,’ malapit sa baybayin ng Zambales. Kasabay nito hiniling ng Pilipinas na tanggalin na ang barko ng China, na naroroon simula pa noong unang bahagi ng Enero.

Sa kabila ng mga protesta, nanatili ang barko malapit sa baybayin ng Zambales, kaya’t nagkaroon ng karagdagang mga hakbang mula sa Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine military.

Samantala, ang Philippine Coast Guard ay aktibong mino-monitor ang sitwasyon, gamit ang kanilang barko na BRP Gabriela Silang na nakipag-ugnayan kamakailan lang sa barko ng China, tinitiyak na ito ay nanatili ng hindi bababa sa 70 nautical miles mula sa baybayin ng Zambales. Binanggit din ng PCG na ang presensya ng barko ng China ay labag sa Philippine Maritime Zones Act, United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at ang 2016 Arbitral Award na nagbasura sa malawakang claims ng China sa disputed waters na saklaw ang WPS.

Subalit, ipinaliwanag ng China na ang kanilang mga aksyon ay itinataguyod ng kasaysayan at international law, at itinanggi ang 2016 ruling.