-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Lubog sa baha ilang bayan sa lalawigan ng Aklan dahil sa pagbuhos ng malakas na ulan dulot ng shearline.

Umapaw ang tubig mula sa ilog, sapa at maging sa irigasyon dahil sa walang humpay na pag-ulan mula pa kagabi.

May ilang sasakyan ang tumirik sa daan at nananatiling hindi madaanan ng kahit anong uri ng sasakyan ang tatlong bayan sa lalawigan partikular ang mga bayan ng Altavas, Batan at Numancia kung kaya’t daan-daang pasahero at mga kargamento ang kasalukuyang stranded sa nasabing mga bayan.

Nakatala rin ng landslide sa bayan ng Balete at nagmistulang dagat ang mga palayan dahil sa mataas na tubig-baha.

Wala ring power supply ang ilang binahang lugar dahil sa emergency shutdown ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kung kaya’t nakaantabay rin ang Aklan Electric Cooperative (AKELCO) sa nasabing mga bayan.

Sa kasalukuyan ay patuloy ang monitoring ng Aklan Provincial Disaster Risk Reduction Management Council sa mga low lying areas at inabisuhan ang mga naninirahan sa mababang lugar na maagang lumikas sa mga evacuation centers para sa kanilang kaligtasan lalo na’t inaasahan ang high tide mamayang gabi.