-- Advertisements --
image 338

Ilang bayan sa lalawigan ng Cagayan ang binaha na matapos ang walang tigil na pag-ulan at pagpapakawala ng tubig sa Magat dam dulot ng bagyong Paeng.

Ayon kay Rueli Rapsing, head ng PDRRMO-Cagayan na dahil sa lakas at walang tigil na pagbuhos ng ulan sa lalawigan at karatig probinsya ay umapaw ang Cagayan river dahilan para bahain ang mga bayan na malapit dito.

Inalerto rin ni Rapsing ang mga mamamayan sa lalawigan sa pagtaas pa ng lebel ng tubig at pagguho ng lupa kung kaya inabisuhan na ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng pre-emtive evacuation o forced evacuation kung kinakailangan.

Sa Tuguegarao City, naglabas ng Executive Order si Mayor Maila Ting-Que para magpatupad ng Pre-emptive o forced evacuation sa mga low lying areas o mga delikadong lugar sa lungsod dahil sa nararanasang pag-ulan at mabilis na pagtaas ng water level sa Cagayan River.

Sinabi ni City Mayor Maila Ting-Que na patuloy ang ginagawa nilang paglilikas sa mga residente na nasa low lying areas.

Kabilang sa binabantayan ay ang mga barangay na madalas na mabaha tulad ng Balzain East at West, Linao, Core shelter sa Annafunan east, Cataggaman at iba pa.

Tiniyak naman nito na nakahanda ang mga ayuda o relief packs na ibibigay sa mga maitatalang evacuees kung saan naka preposition na ang nasa 1250 na mga family packs na ipamimigay sa mga apektadong residente.

Pinayuhan rin ng alkalde ang publiko na seryosohin ang umiiral na liquor ban matapos maitala sa lungsod ang dalawang insidente ng aksidente sa lansangan dahil sa nasa impluwensiya ng alak ang mga biktima kagabi.

Sa bayan ng Enrile, 5 pamilya o katumbas ng 15 indibidwal ang inilikas mula sa Brgy 4 at Sitio San Juan sa Brgy Villa Maria dahil sa banta ng pagbaha.

Inabisuhan na rin ng lokal na pamahalaan ang mga residenteng nakatira malapit sa ilog na maging alerto at kung kakailanganin ay lumikas na at pumunta sa mga evacuation area ng kanilang lugar.

Bukod dito, sinabi ni Mayor Miguel Decena na umapaw at hindi na rin madaanan ang Bunagan-San Felipe Bridge sa Brgy San Jose dahil sa pag-apaw ng tubig.

Hindi na rin madaanan sa bayan ng Amulung ang dalawang low lying bridges na kinabibilangan ng Goran-Cordova Bridge at Tana-Annabucalan bridge.

Kaugnay nito, nanawagan si Mayor Elpidio Rendon sa mga residente lalo na sa Amulung west na lumikas na patungo sa mga itinalagang evacuation center.

Bukod sa mga rescue equipments, tiniyak ni Rendon na nakapreposisyon na ang mga relief goods na ipapamahagi sa mga apektadong pamilya.

Habang sa bayan ng Alcala ay patuloy na minomonitor ang Brgy Damurung, Jurisdicion, Pared, Afusing Bato at Pagbangkeruan na madalas mabaha tuwing umaapaw ang Cagayan river.

Sinabi ni Acting Mayor Joy Duruin na nakahanda na ang mga dumptruck ng LGU kung kakailanganing ilikas ang mga residente, gayundin ang mgha evacuation center at relief packs.