-- Advertisements --

Nalubog sa tubig-baha at nakaranas ng landslides ang iilang bayan sa lalawigan ng Iloilo kasunod ng walang-tigil na pag-ulan dala ng low-pressure area at inter-tropical convergence zone.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Jerry Bionat, head ng Iloilo Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, sinabi nito na halos 30 mga bayan sa lalawigan ang nag-report na nakaranas ng pagbaha na karamihan ay nasa central part ng Iloilo.

Ang nakaranas naman ng matinding epekto dala ng masamang panahon ay ang DueƱas, Janiuay, Bingawan, Lambunao, Calinog, at Passi City.

Sa Passi City na siyang component city sa probinsya, umabot sa critical level ang Jalaur River at may portion rin kagabi ng national highway sa Barangay Man-it na hindi na maaaring madaanan ng mga motorista.

Higit 10 barangay ang apektado sa naturang lungsod at nag-evacuate naman ang mga residente mula sa low-lying barangays.

Binuksan rin kagabi ang pitong floodgates sa Jalaur Diversion Irrigation Dam o Moroboro Dam sa Barangay Moroboro, Dingle upang mabawasan ang pressure kasunod ng pagtaas ng lebel ng tubig sa naturang dam.

Sa Pavia, Iloilo naman, muling nakaagaw na atensyon ng publiko ang kontrobersyal na Ungka Flyover Project dahil pahirapan ang mga motorsiklo at mga sasakyan sa pagdaan dahil sa baha at kinailangan pa ang flood mitigation machine ng Department of Public Works and Highways 6.

Napag-alamang nagpalabas kagabi NDRRMC ng Orange Rainfall Warning sa Iloilo, Capiz, Antique, Aklan, at Guimaras at nagbanta rin sa matinding pag-ulan, pagbaha, at pagguho ng lupa.

Sa ngayon, sa Iloilo City, suspended ang klase mula pre-school hanggang high school sa pribado at pampublikong paaralan, habang nasa discretion naman ng colleges at universities kung i-suspinde o ipagpatuloy ang ng klase sa college students.

Sa Iloilo Province naman, ang nag-anunsyo ng suspensyon ay ang local government units ng Bingawan, Calinog, at Passi City.