-- Advertisements --

ROXAS – Nagnegatibo na sa red tide toxin ang ilang baybayin sa Capiz partikular ang Sapian Bay na sakop ang Ivisan at Sapian maging ang coastal waters ng Roxas City.

Ito ang ba-se sa ipinalabas na Shellfish Bulletin No. 01 series of 2023, napetsahan Enero 10, 2023 ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region VI.

Nangangahulugan na ligtas ng kainin at puwede ng magbenta ng lahat ng uri ng lamang dagat sa nasabing mga lugar.

Samantala, nananatiling positibo sa red tide ang karagatan ng Panay, President Roxas at Pilar.

Matandaang noong Oktubre ng nakaraang taon, ng nagpalabas ng isang executive order si Gov. Fredenil Castro upang ipagbawal ang pag-ani, pagkain o pagbebenta ng mga lamang dagat sa buong lalawigan, matapos may maitala na naging biktima ng red tide toxin sa ilang residente sa bayan ng President Roxas, matapos kumain ng greenshells o tahong.