Emosyonal na inilahad ng ilang biktima ng isang religious cult sa Surigao del Norte sa isinagawang pagdinig sa senado ngayong araw ang lahat ng mga -pang-aabuso na kanilang naranasan sa loob ng nasabing samahan.
Tumakas umano ang mga ito mula sa Socorro Bayanihan Services Inc. na binuo ng lider ng grupo na si Jey Rence Quilario o mas kilala bilang ” Senior Aguila “.
Ang pagdinig ay pinangunahan ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Sen. Ronald Bato dela Rosa at dinaluhan ni Sen. Risa Hontiveros at Sen. Francis Tolentino.
Ayon kay Jane , hindi totoong pangalan ng biktima, pinangasiwaan mismo ni Senior Aguila ang pagpapakasal sa kanya noong siya ay 14 anyos pa lamang sa isang 18 anyos na lalaki.
Inililista rin aniya ng secretary ng kanilang pinuno ang lahat ng mga lalaki at babae sa kanilang komunidad na wala pang kasintahan habang ang edad umano ng mga babae ay 12 anyos pataas at ang lalaki naman 18 anyos pataas.
Wala rin silang karapatang tumanggi dahil ito umano ay kautusan ng kanilang kinikilalang Diyos.
Sa salaysay ni Jane , sinabi rin nito na si Aguila mismo ang nagbigay ng basbas sa mga lalaki na gahasain ang kanilang asawang babae dahil kasal naman na sila.
Isa pang biktima ang lumantad sa pagdinig ng senado at ito ay si alyas Renz , 12 anyos.
Sa kabila umano ng kanyang edad ay sinasanay na sila ng sinasabing kulto na maging sundalo.
Hindi rin aniya sila pinapayagang pumasok sa paaralan dahilan upang hindi siya matutong magsulat.
Katulad ni Renz, sinabi rin si Alyas Coco para maging sundalo ng SBSI habang nabigo naman itong ipagpatuloy ang kanyang pahayag matapos maluha habang ikinuwento kung paano sila tumakas .
Samantala, personal rin na dumalo sa isinagawang pagdinig sa senado ang pinuno ng SBSI na si Jay Rence Quilario .
Itinatangi nito ang mga paratang na hindi nito pinapayagang mag-aral ang mga bata at pumunta sa eskwelahan.
Aniya, hindi naman kinukulong ang mga bata at pinapayagan naman itong lumabas.
Gayunpaman, pinasinungalingan naman ng biktimang si Renz ang pahayag ni Quilario.
Kung maaalala, ibinunyag mismo ni Senator Risa Hontiveros noong nakaraang linggo ang umano’y Illegal na aktibidad ng naturang grupo .
Paliwanag ni Hontiveros, lumalabas na 30% na lamang ng mga bata mula sa Sitio Kapihan kung saan naroon ang komunidad ng SBSI ang pumapasok sa mga eskwelahan.
Kinumpirma naman ito ni Socorro Mayor Riza Timcang na dumalo rin sa pagdinig at sinabing nagkaroon ng malawakang dropout ng mga mag-aaral mula elementarya hanggang high school noong 2019.
Ito ay umabot sa 800 drop out batay na rin sa datos ng Department of Education.
Samantala, naghain naman si Senator Risa Hontiveros ng mosyon upang ma site in contempt si Jey Rence Quilario at tatlo pang indibidwal.
Kinatigan naman ito ni Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chair Sen. Ronald Bato dela Rosa matapos na walang naging pag tutol sa mosyon ni Hontiveros.