BAGUIO CITY – Nananatili pa sa pagamutan sa lungsod ng Baguio ang anim na mga estudyante matapos magtamo ang mga ito ng sugat sa pagka-aksidente ng sinasakyan nilang pampublikong jeep sa bayan ng Itogon, lalawigan ng Benguet hapon kahapon.
Ayon kay Police Majaor Rommel Sawatang, hepe ng Itogon PNP, dinala sa pagamutan ang 20 na mga estudyante, kasama na si Clifton Paulo, 42, na residente ng San Luis Village, Baguio City na siya namang driver ng jeepney.
Aniya, ang mga estudyante ay Grade 7 at Grade 8 ng isang unibersidad sa Baguio.
Sinabi niya na pauwi na sana ang mga ito mula sa camping activity sa isang parke sa Barangay Virac sa Itogon nang mangyari ang insidente.
Itinabi naman daw ng driver ang nasabing jeep habang pababa ito ng one-way access road para bigyang-daan ang mga paakyat na mga sasakyan.
Gayunman, sumampa ang kaliwang gulong ng jeep sa dalisdis ng bundok kaya natumba ito na nagresulta sa pagkasugat ng mga pasahero nitong mg estudyante.
Dinala ang mga biktima sa pagamutan bagamat pinauwi ang ilan sa mga ito habang na-admit ang anim para sa karagdagang paggamot sa mga ito.