-- Advertisements --

(Update) NAGA CITY – Nagpapagaling pa sa ospital ang anim sa mahigit 30 mga pasahero ng truck na naaksidente sa San Fernando, Camarines Sur habang nananatiling 13 ang naitalang patay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay CMSgt. Victor Quinao, imbestigador ng San Fernando-PNP, sinabi nitong nakalabas na sa ospital ang ilan sa mga sugatang pasahero ngunit nakatakda silang bumalik ngayong umaga sa lugar ng pinangyarihan para ipagpatuloy ang malalimang imbestigasyon.

Sa ngayon hindi pa matukoy ng mga otoridad kung sino ang pamilya at ang nobyo ng biktimang si Bea Morales Lucilo, 15-anyos na kasama sa mga namatay.

Maaalala na namanhikan ang mga biktima sa bahay nitong si Bea sa Barangay Gñaran at pauwi na sana ang mga ito sa Barangay San Joaquin sa parehong lalawigan ngunit pagdating sa pababang bahagi ng Barangay Tagpocol ng mawalan ng preno ang naturang sasakyan na nauwi sa pagkamatay ng 13 katao habang sugatan naman ang mahigit sa 30 iba pa.

Samantala, nagbigay na rin ng tulong ang lokal na pamahalan ng San Fernando, Camarines Sur sa mga biktima ng naturang aksidente.

Nabatid na pagmamay-ari ng LGU-San Fernando ang naturang truck habang empleyado naman nito ang nagmaneho ng sasakyan.

Sa ngayon ayon kay Quinao, sakaling magsampa ng reklamo ang pamilya ng mga biktima, patong-patong na kaso ang posibleng kahaharapin ng driver ng naturang sasakyan na maswerteng nakaligtas sa aksidente.