-- Advertisements --

COTABATO CITY – Nananawagan ngayon ang libong pamilyang binaha sa Barangay Tunggol, Datu Montawal, Maguindanao sa pamahalaan na agad silang bigyan ng kaukulang tulong.

Ang apela ng mga ito dahil matagal ang kanilang mararanasang gutom sakaling hindi sila mabigyan kaagad ng ayuda.

Tatlong araw ng namamalimos sa national hHighway ang mga apektadong sibilyan sa nasabing lugar at ang kanilang nakukuha mula sa mga dumaraan ay pinaghahati-hatian para pambili ng makain, gamot at tubig inumin ng mga ito.

Dahil sa wala ng makain at wala ng pambili ng gamot sa mga batang nagkakasakit, nanlilimos na lamang sa tabi ng highway ang ilang mga binahang pamilya matapos salantain ang kanilang lugar.

Ayon sa mga residente doon, panglilimos na lamang ang naisip nilang paraan upang may agad na makain ang kani-kanilang mga pamilya sa mga evacuation center.

Maliban sa wala na silang bigas, wala rin silang ligtas na tubig-inumin at gamot na ipaiinom sa mga nagkakasakit lalo na ang mga bata kaya ginagawa ng mga ito ang panghihingi.