CAGAYAN DE ORO CITY – Sinibak na umano ang ilan ng boxing judges na mayroong hawak ng kontrobersyal na pagkatalo ni 2-time Olympian boxer Carlo Paalam sa mga kamay ng Australian boxer na si Charlie Senior sa quarterfinals bout sa Paris Olympics sa Pransya.
Kaugnay ito nang inihain na protesta ng Philippine Olympics Committee at Philippine Sports Commission sa 2024 Paris Orgnanizing Committee dahil hindi katanggap-tanggap ang split decision na inilabas ng mga hurado sa pagitan ni Carlo at Charlie noong Agosto 3.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Philippine boxing coach Elmer Pamisa na lahat sila dismasyado sa resulta dahil para sa kanila ay si Paalam ang dapat hihirangin na wagi kontra boksingerong Ostrilyano.
Sinabi ni Pamisa na bagamat hindi na mabaliktad ang amateur boxing decision subalit hinangad nila proteksyonan ang mga paglaban pa nina Nesthy Petecio at Aira Villegas sa kani-kanilang mga katunggali nitong linggo.
Inihayag nito na bagamat dismayado subalit ginawa lang nila ang nararapat na hakbang upang alisin sa Paris Olympics ang ilang boxing judges na hindi patas ang inilabas na puntusan.
Magugunitang bumuo na mga hurado ng Paalam-Senior bout sina Ben McGarrigle (Mageriggle) ng Ireland;Wade Peterson ng Canada;Susann Kopke (Kapko) ng Germany; Bachir (Bashir) Abbar ng Morroco at Peroska Buki ( Biyuki) ng Hungary.
Una nang inamin ni Paalam na nagdulot ng sobrang hinagpis ang kanyang talo na tila nasayang ang sakripisyo at pag-iinda ng marming injuries para makapagbigay ng maayos na laban subalit nasuklian lang ng hindi patas na judges decision.