DAGUPAN CITY – Nahaharap sa kaukulang kaso ang ilang mga barangay officials kabilang ang punong barangay ng Brgy. Dulag, bayan ng Lingayen, Pangasinan matapos maaktuhan ang mga ito sa kalagitnaan ng kanilang pag-iinom ng alak sa harapan mismo ng kanilang barangay hall.
Ayon kay PMaj. Edgar Allan Serquina, hepe ng Lingayen PNP, bago ito ay nakatanggap ang kanilang himpilan ng report mula sa isang concerned citizen sa umanoy nagaganap na inuman ng ilang mga opisyal ng kanilang barangay kaya naman agad din itong nirespondehan ng pulisya.
Positibong naaktuhan sina Barangay Chairman Benjie Mararac; mga incumbent barangay kagawad Jerwin Canilang, Arthur Rosario, at Edzel Mararac; dalawang tanod na sina Jaime Ferrer and Ruben Mangiralas, at isang private citizen na nakilalang si Harold Calingasin.
Nang maaktuhan umano ang mga ito ay nagtangka pang tumakas ang isang kagawad at ang punong barangay ngunit agad naman itong nahuli ng kapulisan at dinala na sa kanilang himpilan upang masampahan ng kasong disobedience to a person in authority, paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act at paglabag sa nagpapatuloy na pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa probinsiya.
Samantala, pagdating naman sa report na nagpaputok rin umano ng baril si Mararac ay hindi naman ito sinampahan ng indiscriminate firing dahil wala umanong tumayong witness ngunit nasa kustodiya narin sa ngayon ng PNP ang narekober na baril.