-- Advertisements --

BOMBO TUGUEGARAO- Muling nakaranas ng flash flood at landslide nitong Linggo ng hapon ang ilang Brgy. sa Banaue, Ifugao na unang binaha noong July 7, ngayong taon.

Ayon kay Engr Arnold Bacnog ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) Ifugao na alas 3:30 nitong Linggo ng hapon ng naranasan sa lugar ang halos 30 minuto matinding pag-ulan dulot ng habagat.

Aniya mas malala ang huling naranasang pagbaha dahil mas mataas ang lebel ng tubig nito ngayon kumpara noong una at sa mga kalsada muling dumaan ang naipong tubig na naging sanhi ng flashflood at mudslide ngunit kumonti naman ang naapektuhang Brgy.

Agad din nakapaghanda ang mga residente at nailagay sa ligtas na lugar at kanilang mga kagamitan tulad ng sasakyan.

Batay sa assesment ng mga otoridad, lumalabas na ang baradong drainage canal na dulot ng landslide kung saan natakpan ito ng mga lupa, bato at mga sanga ng puno ang sanhi ng hindi maayos na pagdaloy ng tubig kung kaya pumupunta ito sa mga lansangan.

Sinabi ni Bacnog na nagdulot ng pagbara sa mga lumang waterways na may maliit lamang na diameter ang landslide kung saan natakpan ito ng mga lupa, bato at mga sanga ng puno.

Dagdag pa rito ay luma na ang mga imbornal na may maliit lamang na diameter at ang mga kongretong iniharang ng mga residente sa dapat sanay daluyan ng tubig.

Lumalabas din sa inisyal na imbestigasyon ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na posibleng may gumalaw na faultline sa lugar na sanhi ng landslide bagamat kinukumpirma pa ito.

Ayon pa kay Bacnog na isasagawa nila ngayong araw ang assesment kaugnay sa kaligtasan ng mga istruktura at mga bahay na nakatirik sa lugar sa tulong ng ibat-ibang ahensya ng pamahalaan.

Sa ngayon din ay nagpapatuloy ang clearing operations ng mga otoridad at mga residente sa lugar na hindi pa nakakabawi sa unang naranasang pagbaha.