-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Naging “isolated” na ang ilang barangay sa Santa Ana, Cagayan, dahil sa high tide at pinalala pa ng tubig mula sa mga bundok kasunod ng pag-landfall ng Bagyong Ramon.

Sinabi ni Vice Mayor Gaylord Ibus na hindi na mapasok ang mga barangay ng Visitacion, Casambalangan, Marede at Parada- Batu, dahil abot na hanggang leeg ng tao ang tubig-baha.

Ayon kay Ibus, rubber boats na ang kailangan upang ma-rescue ang mga nakulong na residente sa kanilang mga bahay dahil maging sa Centro o Poblacion ay abot na rin sa baywang ang tubig-baha.

Mayroon na aniyang dalawang rubber boats ang Philippine Coast Guard subalit kulang ito dahil maraming barangay pa ang kailangan na mapasok at mailigtas ang mga residente.

Kasabay nito, inamin ni Ibus na ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakaranas sila ng malawakang pagbaha dahil ang mga dating hindi binabaha ay binaha na rin kaya hindi napaghandaan ng mga residente.

Samantala, maraming lugar na sa Cagayan ang walang supply ng kuryente.

Ayon kay Jeff Mendoza ng CAGELCO 1, ito ay dahil na rin sa mga sanga ng kahoy at mga kawayan na nakasampa sa mga linya ng kuryente.

Bukod dito, mayroon din umanong nabuwal na mga puno na tumama sa mga mga linya ng kuryente.