MANILA – Tinukoy na ng Vaccine Expert Panel (VEP) ang mga lugar sa bansa na pagdadausan ng Solidarity Trial, isang inisyatibo ng World Health Organization (WHO) para sa clinical trial ng COVID-19 vaccines.
Ayon kay Dr. Nina Gloriani, pinuno ng Department of Science and Technology-VEP, posibleng sa Enero pa ng 2021 mag-umpisa ang nasabing trials, na unang inanunsyo na magsisimula nitong Oktubre.
“We may start by January, hopefully,” ayon sa eksperto.
Kabilang sa mga napili ang ilang barangay na nakitaan ng higit 1% attack rate. Sa nakalipas na apat hanggang anim na linggo raw kasi ay nakapagtala pa rin ng COVID-19 cases ang naturang mga lugar. Kasali sa listahan ang:
*National Capital Region:
Manila – Brgy. 94, 395, 666, 667, 668, 697, 689, 699
Pasay – Brgy. 36, 74, 76, 150
Taguig – Brgy. Fort Bonifacio
*Cordillera Administrative Region:
Itogon – Brgy. Virac, Poblacion Central
Tuba – Brgy. Camp 3
Baguio City – Brgy. Legarda, Burnham, Aurora Hill, Sta. Escolastica, City Camp Proper
*Davao – Brgy. Agdao, 27C, 32D, 12B
Paliwanag ni Dr. Gloriani, maaari pang magbago ang listahan ng community trial sites dahil naka-depende sa maitatalang kaso ng mga nabanggit na lugar ang posibilidad na masali sila sa eskperimento.
Bukod sa trial sites sa komunidad, 14 na pampubliko at pribadong ospital din ang kasali sa gagawing pag-aaral. Kabilang dito ang:
-Philippine General Hospital (lead hospital)
-Research Institute for Tropical Medicine
-Manila Doctor’s Hospital
-San Lazaro Hospital
-St. Lukes Medical Center – Quezon City
-St. Lukes Medical Center – BGC
-Lung Center of the Philppines
-The Medical City
-Makati Medical Center
-De La Salle Medical Center – Cavite
-Southern Philippines Medical Center – Davao City
-Baguio General Hospital and Medical Center
-Western Visayas Medical Center – Iloilo City
Paliwanag ng eksperto, iba mula sa independent trials ng ibang bakuna na nag-apply na makapagsagawa ng kanilang Phase III trials sa Pilipinas ang pag-aaral na gagawin ng WHO.
“These are different from independent trials. The Solidarity Trials are supported by WHO, DOST and DOH.”
Habang hinihintay ng VEP ang listahan ng mga bakunang gagamitin sa Solidarity Trial, ilang paghahanda na raw ang lumalakad para sa pagsisimula ng pag-aaral.
Ayon kay Dr. Gloriani, tinatapos na nila ang laboratory requirements tulad ng cold chain storage at paglalaan ng supplies. Nag-umpisa na rin daw ang training ng vaccine trialists sa Castor Medical Electronic Data Capture system ng bawat trial site.
Bukod dito, inihahanda na rin nila ang “country readiness dashboard” na naglalaman sa detalye ng principal at sub-investigators.
“This is monitored real-time by the WHO. What do we mean by that? How are we doing with our preparations for laboratories, trainings and even the evaluation approval from regulatory agencies.”
Mula ngayong araw, December 4, sunod-sunod na meetings ang dadaluhan ng VEP kaugnay ng isasagawang Solidarity Trial. Kasali na rin dito ang pakikipag-ugnayan sa mga local government units ng mga napiling community trial sites.