KORONADAL CITY – Makikipag-usap ang ilang mga municipal mayors ng South Cotabato sa Department of Health at Department of Education kaugnay sa pagkansela ng ilang mga kapiyestahan dahil sa banta ng novel-coronavirus at African Swine Fever (ASF).
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Tboli Mayor Dibu Tuan, nakipag-ugnayan na siya kay Governor Reynaldo Tamayo Jr at nakatakda nilang kausapin ang DepEd upang masolusyonan ang nasabing problema.
Dagdag ni Mayor Tuan, matagal na umano nila itong napaghandaan at ginastusan na nila ang kanilang kapiyestahan kaya nais nilang malaman kung ano ang magiging katiyakan ng DepEd at DOH paano ito maipagpapatuloy.
Ayon pa sa alkalde, magiging apektado ang napaghandaan nilang street dancing, mass demo, at iba pang mga dapat saksihan sa kani-kanilang mga pista.
Habang ayon naman kay Surallah Mayor Tony Bendita, nakiusap siya kina Mayors Tuan, Albert Palencia ng Banga at Clemente Fedoc ng Norala na ipagpaliban muna ang kani-kanilang mga kapistahan upang hindi umano makapitan ng sakit ang mga estudyante.
Dagdag ng naturang alkalde, dapat aniyang unahin ang kapakanan at kaligtasan ng mga bata.
Matatandaang una nang kinansela ang Kalilangan festival sa General Santos City at Araw ng Dabaw festival sa Davao dahil rin sa nCov scare.