NAGA CITY – Kinumpirma ngayon ng Municipal Health Office (MHO) sa bayan ng Pasacao, Camarines Sur na nakakaranas na ng diskriminasyon ang ilang mga frontliners sa COVID-19.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Melchor Baesa, MHO-Head ng Pasacao, sinabi nitong ilan sa kanilang medical team ang nilalayuan na ng mga tao dahil sa takot na baka carrier na ng naturang virus.
Sa kabila nito, ayon kay Baesa, sanay na aniya sila sa ganitong sitwasyon kung kaya hindi naman naapektuhan ang kanilang pagtatrabaho.
Aminado rin si Baesa na dahil sa kakulangan ng Personal Protective Equipment, nagtahi na lamang ang ilan sa kanila ng facemask na magagamit sa kanilang pagtatrabaho lalo na at hindi pa aniya dumarating ang nirequest nilang mga kagamitan sa Provincial Government.
Una rito, isa sa mga nagpositibo sa COVID-19 ang mula sa nasabing bayan ngunit ayon kay Baesa nasa stable nang kondisyon sa ngayon.